ADVERTISEMENT
Catriona Gray: Pakikipagkapwa-tao Para Sa Bayan – Qrown

Catriona Gray: Pakikipagkapwa-tao Para Sa Bayan

ADVERTISEMENT

Catriona Gray: Pakikipagkapwa-tao Para Sa Bayan

Itong sanaysay ay para sa kapwa ko Filipino kung kaya minabuti kong isulat ito sa ating wika.

Aminado ako na isa ako sa mga taong tumaas ang kilay nung unang naibulong sa akin ang plano mong pagsali sa Binibining Pilipinas. Noong una ay duda ako sa layunin mo sa pagsali. Batid kong isang malaking pakikipagsapalaran ang pagbabakasali mo sa bagong timpalak pagandahan. Hindi madaling pangasiwaan ang inaasahan sa iyo ng tao, Biruin mo isang Miss World Philippines ang naglalayong maging Miss Universe Philippines.

Lingid sa aming kaalaman ay puspusan na ang naging iyong paghahanda para sa iyong muling pakikipagsapalaran. Saksi ang lahat sa kung paano sa gabi ng pagpaparangal ay nagpamalas ka ng iyong taglay na pambihira.

Muli, isa ka ng reyna. Pero alam mong hindi dito natatapos ang lahat. Hindi ko na iisa-isahin kung paano ka naghanda sa maaring pinakamahalagang araw ng buhay mo dahil para sa akin isang paghahanda lang ang pinakatumatak sa amin na nakatutok sa bawat galaw mo.

Ang paghahandang ito ay paghahandang sinimulan mo marahil nung ikaw at bata pa sa pagpapalaki sa iyo ng iyong mga magulang. Ito ay ang puso mo sa pakikipagkapwa-tao.

Bagama’t mahalaga ding maghanda sa ibang aspeto gaya ng pisikal na kalusugan, kasuotan at pagpapganda, baliwala ang lahat ng nabanggit kung hindi ka handa sa aspeto ng pakikipagkapwa-tao,

Ayon kay Licuanan (1992) “ang pakikipagkapwa tao ay isa sa mga kalakasan ng Pinoy.”

Dahil ganap ang iyong pakikipag-kapwa, ganap din ang iyong pagpapakatao.

Alam kong batid mo lahat ng pakikipag-ugnayan ay nangangailangan ng pagsisikap upang ito ay mabuo, mapatatag, at mapanatiling makabuluhan at mabuti. Alam mong nakasalalay ang tagumpay nito sa kakayahan mong ibahagi ang iyong sarili sa pamamagitan ng paglilingkod mo sa iyong kapwa.

View this post on Instagram

Smiles are contagious, share them 😁✨🇵🇭💛 Goodmorning beautiful people!

A post shared by Catriona Gray (@catriona_gray) on

Hindi lang kapwa mo Pilipino ang saksi sa iyong pakikipagkapwa. Maging ang isa sa magiging hurado ng Miss Universe na si Bui Simon ay binati ka sa iyong pagiging malapit sa kabataan. Si Simon ay tulad mong may pagmamalasakit din sa kabataan dahil pareho niyong batid ang kahalagahan nila sa paghuhulma ng hinaharap ng bayan.

Ang iyong pag-alay ng oras, panahon at kakayanan para sa isang komunidad sa Tondo ay isa ding pagpapamalas ng kabutihan ng iyong paso at pagpapahala sa kapwa.

Photo by Jojo Bragais

Marahil ang nagudyok sa akin upang isulat ito ay ang mga larawang nagpapakita ng iyong pakikiisa sa komunidad sa Lawa ng Sebu sa Timog Kotabato. Makikita sa taglay mong ngiti at sa mga ngiti ng mga taong nakapalibot sa’yo ang isang dalisay na pag-asa na sa iyong pakikipag-kapwa maitu-tungtong mo ang kanilang kultura at pagkakilanlan sa pandaigdigang tanghalan.

 

Photo by Jojo Bragais

Bulong ko sa aking sarili tuwing makikita ko ang kasuotan mong may paggiliw sa pagkakilanlan nating Filipino ay pagpapakilala sa bayan bilang isang tapat na Filipinong handang ipagmalaki ito sa kabila ng malabis na Kanluraning impluwensiya.

Ang Miss Universe ay isang ideyang Kanluranin ngunit sa iyong pakikibaka tangan-tangan ang pagmamahal mo sa sining at kulturang Filipino, binubuhay mo sa amin ang apoy upang kilalanin kung sino nga ba tayo bilang Pilipino.

‏https://www.instagram.com/p/BrNwoq3HFwt/?utm_source=ig_share_sheet&igshid=1r78t777s25qu

Ito na marahil ang pinakamahalang mong pakikipagkapwa-tao: ang paggising sa humihipig at humihimlay naming pagka-Pilipino.

Maraming salamat, Catriona. Mabuhay ka! 🇵🇭

 

Leave Your Comments

Dan Villanueva loves basketball, pageants and the arts. He co-founded The Qrown Philippines with friends to give pageant followers a millennial taste in reporting.

Loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *